1st part
Isang buwan, humigit-kumulang isang buwan. Nalalapit na rin ang graduation. Ngunit bago magwakas ang lahat, nais ko munang magpakasaya sa bawat araw na natitira.
Para maalala ang lahat, nais ko munang isulat ang mga pangyayari sa halos apat na taong pananatili ko sa isa sa mga pinakatanyag na mataas na paaralan sa buong mundo, ang Rizal High School.
Ang Rizal High School
S.C.E. Science 3rd Floor Building Corridor
Ito ang mismong view tuwing umaga sa corridor na ito, kapag hindi pa sumisikat ang araw.
Sa ngayon, ito ang madalas naming nakikita sa araw-araw. Bakit? Dahil dito kami ngayon nanatili sa loob ng sampung buwan, sa unang room sa 3rd floor, needless to say, the most decorative classroom sa buong Rizal High.
Oval
Sa bilog na ito sa isang sulok ng walang sulok na oval kami nagpapalipas ng oras. Palaging nakatipon ang bag namin sa gitna habang ang iba sa amin ay nakaupo sa tabi ng mga bag. Ang ilan, umuupo sa damuhan. Samantalang ang iba, nagliliwaliw sa paligid ng buong oval. Nagtatawanan, o kaya nama’y may siryosong pinag-uusapan. Palagi na lang ganoon.
Noon iyon.
Madalang na lang kami manatili dito at ngayon, hindi na ako umaasa, nasasanay na ako. Nanatili pa rin kami sa oval ngunit madalas sa bench sa tabi ng volleyball court. And speaking of which, madalas din kaming mag-volleyball. Kung pwede nga, huwag na kami umuwi.
Still, noon lang iyon.
Hindi pa kami umuuwi hangga’t wala pa ang mga dakilang guards. Oo, dakila. Dahil mula noong third year hanggang sa ngayon, ganoon na lang ang lagi nilang ginagawa, pinapaalis ang mga nananatili pa sa school ng higit pa sa ikaanim ng hapon, at kami ang mga dakilang estudyanteng iyon.

