6th part
4th Year – Buhay Senior
Nais kong sariwain ang lahat sa pamamagitan ng pagsulat, ngunit kailanma’y hindi matatapatan ng isang blog entry ang tunay na mga pangyayari, maging ang kaunting bahagi ng nakaraan ay hindi ko magagawang ibalik. Gayunpaman, nais kong tapusin ang aking nasimulan.
Para maalala ang lahat, aking isinulat ang mga pangyayari sa halos apat na taong pananatili ko sa isa sa mga pinakatanyag na mataas na paaralan sa buong mundo, ang Rizal High School, sa blog na ito. Nais ko muna sanang balikan ang pinakaunang bahagi ng aking isinulat. Nostalgia…
Ang Rizal High School
Ito ang view noon tuwing umaga sa corridor ng S.C.E. Science Building, kapag hindi pa sumisikat ang araw.
Ito ang madalas naming makita sa bawat pagsikat ng araw noon. Bakit? Dahil dito kami nanatili noon sa loob ng sampung buwan, sa unang room sa 3rd floor. It was considered as the most decorative classroom last year.
Sa bilog na ito sa isang sulok ng walang sulok na oval kami nagpapalipas ng oras. Palaging nakatipon ang bag namin sa gitna habang ang iba sa amin ay nakaupo sa tabi ng mga bag. Ang ilan, umuupo sa damuhan. Samantalang ang iba, nagliliwaliw sa paligid ng buong oval. Nagtatawanan, o kaya nama’y may siryosong pinag-uusapan.
Hindi tulad noong third year, mas madalang kaming magtipon sa oval o kung hindi ma’y mas maaga kaming umuwi. Namamayagpag na kasi madalas ang mga dakilang guards ng school. Minsan, kami na rin mismo ang dahilan kung bakit hindi na kami nagtatagal sa paborito naming tambayan.
Parang kahapon lang naganap ang lahat. Hindi mo lubos akalaing lilipas ang lahat sa isang iglap. Ironic ang oras, mabagal ‘pag hinihintay mo itong lumipas, mabilis kapag gusto mo itong tumigil. Marami akong bagay na hindi nagawa noon. Kung sa bagay, fourth year ang pinaka-busy sa lahat, may research paper pa rin na mas pinaaga ang pasahan, may mga presentations na hindi mong masyadong mapaghandaan dahil may iba pang kailangan pagkaabalahan. Walang araw na makakapagpahinga ka. Sa kabila ng mga ito, masaya!
Kadalasan, maraming bagay mula noong nakaraang taon ang naiiwanan pagdating ng senior year. Ngayon, may mga naghahabol na sa honors, may mga tao naman na sapat na ang maka-graduate, may ilan na nanatiling utak junior student, at may ilan na wapakels. Saan ka man nabibilang, mapapansin mong iba ang buhay senior, malayong-malayo sa sinasabi mong mas masaya ang huling taon ng pag-aaral sa hayskul.
Pero hindi naman palaging ganoon. Dahil pagdating ng huling tatlong buwan, saka naman nila nari-realize na mayroong kulang, saka sila maghahabol sa mga nasayang na oras, saka sila hihiling na sana tumigil na lang ang pagtakbo nito. Kaso tulad nga ng aking nabanggit, bumibilis ang oras kapag ayaw mo pa itong matapos. Pagkagising mo kinabukasan, nasa ibang lugar ka na, sa isang bagong lugar na mas malapit sa problema’t katotohanan.
‘Yan ang buhay senior! Parang basketball na may last one minute. Kung pwede ka pang humabol, hahabol ka pa. Kung sa bagay, naihahabol naman. Kaso nga lang kadalasa’y talo pa rin ang kinahahantungan ng laban. At least, kahit paano masaya ka, masaya na hindi nasayang ang buong laro, na may babaunin kang aral para sa susunod na laban.

Main Building aka Computer Building
Isang taon na rin pala. Ika-2 ng Abril noong nakaraang taon nang permanente na kaming umalis sa pinakamamahal naming high school life. At saka ko lang rin na-realize na marami pala akong sinayang na pagkakataon.
Naalala ko pa kung gaano kasaya ang huling buwan namin sa senior year–ang Christmas Extravaganza, kung saan ang section namin ang nanguna, ang aming Ballroom Dance presentation sa MAPEH, ang mga book presentations namin na kadalasa’y disaster, kasama na ang opera presentation namin na Hercules at ang presentation naming Titser sa Filipino na pinerform namin sa stage.
Higit sa lahat, hindi ko makakalimutan ang halos walang katapusang movie marathon sa iba’t ibang bahay ng aming mga kaklase at ang mismong araw ng graduation.

S.C.E. Science Building
Nakakatuwa na sa tatlong batch ng mga nagtapos sa high school, tanging sa batch lang namin bumuhos ang malakas na ulan. Masaya rin palang magtapos ng tatlong ulit. Nakakatuwang pumasok sa school para lamang mag-practice ng graduation, paulit-ulit na kumanta ng… I’m dreeeaaaammmiiing in the twilight… Pati maglakad papasok sa Gym at umupo sa harapan, umakyat sa stage sa harapan ng napakaraming estudyante at magulang, suotan ng mga mabibigat na medalya, or kung wala man, makita man lang ang iyong mga kaklase habang kinukuha nila ang kani-kanilang diploma. Last but not the least, napakasaya ng halos walang katapusang picture taking sa tabi ng mga punong nalalagasan na ng mga dahon at maging ang aming huling tambay sa Oval sa ilalim ng palubog na araw.
Maging nang matapos ang graduation, may pahabol pang farewell party. Kita mo nga naman… Tapos na ang basketball game, may nagdi-dribble pa rin ng bola.
Mas maganda man ang buhay junior, masasabi ko pa ring hindi ko kahit kailanman makakalimutan ang aming mga pinagsamahan sa huling taon namin sa hayskul. Nakaka-miss talaga silang lahat!
This may seem like the end of my entry, pero hindi pa, may ihahabol pa ko next time.
**to be continued**

